5.14.2006

amang hari

“lahat ng sobra at kulang ay bawal.” iyan ang kasabihang binago ko ayon sa aking mga karanasan at napagdaanan.

simula nang nalugi at nagsara ang aming pagawaan, tila kasabay nito ay ang pagbagsak ng buong katauhan ng aking ama. gabi-gabi na pag-inom, walang pigil na pagkain at hindi mapigilang alindog ng sigarilyo’t makamundong kasalanan sa gitna ng sakit at karamdamang binaliwala. nagbuhay-binata siya at namuhay ng ayon sa kanyang kagustuhan. pinigilan niya ang sarili sa pag-unlad at nanatili sa panahong kanyang nais sa tulong ng kanyang mga kapatid. umasa na lamang sa minanang bodegang paupahan, karampot na naipon at sa mga “kabutihang loob” at “tulong” ng kanyang mga kapatid.

binansagan siyang “hari ng alak” ng kanyang mga kapatid at kamag-anak, walang makatalo. umabot sa pagkakataong hindi makapagsimula ang isang okasyon nang wala ang nangungunang tanggero. diyan nadapa ang haring nag-akalang siya’y tinitingala—sa pinagmumulan ng kanyang pinagmamalaki pa siya bumagsak na maliit.

“kinukuha ng Diyos ang mga bagay na hindi na pinakikinabangan.” iyan ang kasabihang natutunan ko.

umabot sa pagkakataong pati ang sariling katawan ay sumuko sa hari. umabot sa pagkakataong naabuso nang labis ang katawan at kailangan na rin nitong sumuko. lumala ang sakit ng ama. hindi na niya napapakinabangan at ginagamit nang tama ang pinahiram lamang na katawan, kaya’t minabuti na lamang ng Diyos na kunin na ang kalahati ng buo. sa katunayan, pinagbigyan pa siya ng Diyos sa lagay na ito. sa labis-labis na pagpapabaya, dapat pa siyang magpasalamat. nakaaawa kung titingnan ngunit sadyang kailangang umikot ang gulong ng tadhana. nakaaawa kung titingnan lamang ngunit kung susuriing mabuti, matatapos ka at sasabihing, “oo nga, dapat lang siguro, para matuto..” lumagpas na ang pagkakataon at pasensya ng bawat isa. lumagpas na siya sa nararapat.

hindi niya pinahalagahan ang mga bagay na noon ay nasa kanyang palad pa—pamilya, kaibigan, yaman, dignidad at respeto. lahat ng ito’y winaldas niya. At sa huli, sino ba ang masisisi? hindi mailap ang tadhana, sadyang may mga hari na nag-aakalang habang-buhay ay may magsisilbi sa kanila.

natatapos din ang lahat. tulad ng buhok na nalalagas sa bawat pagsuklay at panahong nagdaraan, lapis na nauubos sa bawat pagtasa, pagtitiis na hindi umaabot ng panghabang-buhay at buhay at kalusugan na hindi natin pag-aari, tulad ng lahat ng bagay, natatapos at nauubos din ang lahat. walang bagay na tinadhana ng panghabang-buhay. alagaan natin ang bawat isa.

“maraming nawawala sa taong hindi nagpapahalaga.”

tulad ng mga nabanggit, lahat ay nawala sa hari—pamilya, kaibigan, yaman, dignidad at respeto at iba pang maliliit ngunit mahahalagang bagay. nawala ang bawat isa dahil sa hindi pagpapahalaga. higit na pinili ng hari na mamuhay sa isang gawa-gawang paraiso na siya at ang kanyang mga alipores ang namumuno, walang sinusunod na batas at sarado sa kahit anong bagay o mungkahi o opinyon. ito ang mundong pinili at kinagisnan sa mahabang panahon, at dahil sa mga ala-alagad at alipores, ito na rin ang naging dahilan ng kanyang pagbalik sa mundong nararapat—ang mundong matagal niyang tinakasan. ngunit sa kanyang pagbalik, dalawampu’t limang taon na siyang huli, o higit pa. napakahabang panahon na ginugol sa wala. napakahabang panahon na itinanim sa mahamog na hangin—binuhay sa hangin ngunit inani sa katotohanan.

..at sa kabilang banda, nagdiriwang ang mga alipores.