3.28.2006

pangarap

narating ko na nga nang tuluyan ang pinakamataas kong pangarap sa lugar na ito. isang panaginip noon na hindi ko inasahang mangyayari. ngayon. hindi ganito kaaga. hindi. ganito pala ang pakiramdam nang nasa tugatog ng tagumpay. hindi ko maipaliwanag. isa lang ang tumatakbo sa aking utak, isa na akong ganap na manunulat.

hindi maikakailang nagbunga na nga ang matagal at nakababagot na paghihintay, pagtitiyaga at paghihirap. hindi ko maipaliwanag, alam ko, bunga ito ng pawis at habol na hininga. pasensya. matinding pasensya ang ipinuhunan sa lahat ng ito.

ito na nga talaga ang pinakahihintay kong pagkakataon upang ipamalas ang lahat ng aking kaalaman. sa puntong ito, nais ko pa ring matuto. higit na matuto. punahin ang aking mga pagkukulang at pagkakamali. nais kong mahubog. nais kong mahaplos ang tagumpay nang hindi bumibitiw sa pinanggalingan. marami akong nais ngunit nalilito. paano?

ako ay nahipan ng malamig na hangin. nagkamalay na lamang nang natagpuan ang sarili sa kalagitnaan ng langit at lupa. ganito ang pakiramdam. ganito. kasabay sa paglipad ay ang mga malalamig na sambit ng mga bibig—papuri na nagpapangiti sa aking puso at kaluluwa. totoo man o hindi, alam ko. bola man o sabihing totoo, alam ko. alam ko ang dapat gawin. tatahimik, ngingiti at hindi paiikutin ang isip. ibabakas lamang ay ang isang matamis na ngiti na bunga ng matinding hirap at nararapat na kiliti sa tainga.

bumalik ako sa lupang pinanggalingan. hindi bumagsak, bumaba, bumalik. ngayon, ako ay naghahanap ng bago, higit na mataas na ipapangarap, bagong pagkakaabalahan na pilit aabutin. nais kong matuto at ito lamang ang naiisip kong paraan sa kasalukuyan. magtitiyaga at pilit magtatagumpay sa hamon ng kabukasan. sa pagbukas ng pinto ng bukas tungo sa ibang mundo—higit na malaking mundo—ibabalik ko ang karangalan. ipapasan ang mga umaasa. pilit akong magtatagumpay.

saan ba ako magsisimula? ito ang katanungang mahirap sagutin. kung mahanapan ng solusyon, saan ako patungo? saan ako dadalhin ng malamig na hanging iyon? sa pangarap? sa pangarap.

marami akong tinitingalang mga personalidad. halimbawa, noong pagtatapos ng aking kapatid ng kolehiyo, habang ako ay nakaupo sa malayo at nakatingala sa LCD, dahan-dahan kong pinakinggan ang mensahe ng “valedictorian” nila. mahaba ang kanyang talumpati at unti-unti ko itong nginuya sa aking mga tainga patungong utak. taimtim akong nakinig sa bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig habang tulala sa mataas na LCD. hindi ko alam ang tumatakbo sa aking utak noon, tila lumipad muli ang aking malay at muling nagliwaliw.

nangarap nanaman ako. natagpuan ang sarili sa harap ng libu-libong tao. mga magtatapos. natagpuan ang sarili na nakasuot ng itim na baluti at may kordon na nakapaikot sa aking leeg. magbibigay ata ako ng mensahe. ano ba ito? pangarap ko ito.

pangarap ko ito at mananatiling pangarap kung wala akong sasabihin at gagawin. ito ang aking pangarap at kailangan ko itong pagsikapan.

maraming naniniwala sa aking kakayahan at maraming umaasa na ako ay may patutunguhan. ito. ito ang pangarap ko!

isa na nga akong ganap na manunulat at nagpapasalamat ako sa mga tumulong sa akin. nagpapasalamat ako sa mga taong nagbigay ng insperasyon at pagtitiwala. gaganapin ko, ilang buwan mula ngayon, ang trabahong matagal ko nang inasam-asam at isa sa mga pangarap na hindi inakalang mangyayari. hindi sapat ang salitang “salamat” upang maipaabot sa lahat ang tunay kong damdamin. bilang ganti, higit kong pagbubutihin at patutunayan. ito ang pangarap ko. narating ko ito. itutuloy ko hangga’t kaya ko.

tulad ng natupad na pangarap kong ito, pilit kong aabutin ang iba pang naiwan sa aking listahan ng mga pangarap. marating ko man o kapusin, karapat-dapat kong ipagmalaki at sabihing "ginawa ko ito dahil gusto ko" tatalikod at itutuloy, "dahil pangarap ko ito."