3.13.2006

paalam

dahan-dahan kong sinalat ang mga upuan at silya ng paaralan. habang mabagal na tinatahak ang mahabang pasilyo, isa-isang bumalik ang mga masasaya at mapapait na alaala ng kahapon. ang bilis ng panahon, kamahailan lang nang ako’y baguhan at mapadpad sa maliit na paaralang ito. kamakailan lang nang ako’y unang sumaway ng bata, nagalit sa silid at unang beses na nagpalabas ng estudyante. nakilala ko na ang iba’t ibang uri ng estudyante at ang kani-kanilang estilo ng pandaraya at pangongopya. may mga tahimik na parang bangkay, may maingay na pati langaw ay nababasa at mga pasaway at kung anu-ano pa. minahal ko silang lahat at hanggang sa araw na ito'y tandang-tanda ko pa, hanggang sa aking hukay pa, malamang. tinulungan at pinahalagahan ko sila sa mga paraang hindi nila alam o pansin at minahal ko silang lahat tulad ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak. masasabi kong kilala ko na nga ang bawat kalokohan ng bawat mag-aaral. ilan na rin ang mga nahuli kong nangodigo, kumain sa klase at tumakas sa klase; nagbagsak kung kinakailangan at kung anu-ano pa. wala akong hinangad kundi ang maibahagi ang aking kaalaman. nagtuturo ako ng maayos sa kanilang harapan kaya’t umaasa ako na sila’y makikinig at gagalaw ng ayon sa aking nais. ayaw ko ng mga natutulog sa silid! kung hindi interesado sa aking leksyon ay maaari silang lumabas, bukas ang pinto! ayaw ko ng bastos.

ginagawa ko nang maaga ang aking mga ituturo kinabukasan. hinahanda ko ang aking “lesson plan” at isinasaulo ang ituturo kinabukasan. hindi ako gumagamit ng kodigo sa klase tuwing nagtuturo, kaya't umaasa rin akong hindi mangongodigo ang mga estudyante tuwing pagsusulit. pinaghahandaan ko ang bawat araw ng aking pagtuturo. sa katunayan, kahit makasalubong nila ako sa kalye o bangketa’y maari silang magtanong tungkol sa aralin. ganyan ko kamahal ang aking tinuturo, tinuturuan at naturuan.

ang bilis ng panahon. humigit-kumilang limang taon na rin pala akong lumagi sa kutang ito. marami na rin akong natutunan. matagal ko nang nakasama ang mga kapwa guro at masakit isiping kailangan ko nang lumisan. bitbit ang mga alaalang regalo ng bawat estudyante, guro at pati na rin ng mga magulang. masaya akong magpapaalam sa kanila dahil alam kong ako’y nakatulong sa paghubog sa mga batang ito.

hindi ko man alam kung sino ang mga manghihinayang sa aking paglisan, umaasa akong mananatiling mabuti silang mag-aaral. kung saka-sakaling magkakasalubong man kami ay ikagagalak ko ito. bakit? masarap ang pakiramdam na makakita ng dating estudyante at ngayo’y may maipagmamalaki na—higit na mabuti kung mas mahihigitan ang aking mga narating. magkikita rin tayo balang araw, mga mahal kong mag-aaral. sa aking paglisan, umaasa akong walang makakalimot sa aking mga pangaral at pangarap. umaasa akong sa kahit maliit na bagay ay nakatulong ako sa inyo, salamat at paalam.
.
.
-alay kay g. camaso