2.28.2006

goku, ang tagapagligtas!

lahat na yata ng kabataan ngayon ay nakapanood na ng dragon ball, lalu na yung mga batang lalake. sa totoo lang, isa ako sa mga mapapalad na yo'n. paborito ko rin noon ang dragon ball at ilang beses ko na rin itong napanood ng paulit-ulit. naaalala ko pa noon, nagmamaktol pa ako tuwing hindi ko inaabutan ang mga episodes nito. naglaro na rin ako ng mga text at mga kard na pinapalipad at meron pa ngang mga action figure na kasing mahal ng ginto, tama ba? minsan pa nga'y ginagaya pa namin sila, nagpapanggap na may abilidad na lumipad, magpasabog ng mga bundok at bulkan at tumalon ng napakalayo't napakataas. nakakatuwa!

sampung taong gulang pa lamang ako nang makilala ko ang nag-iisang tagapagligtas ng mundo ko--si goku. hindi siya ordinaryo, katunayan, galing siyang planetang sayan.

hindi ko na ikekwento ang buhay ni goku dahil malamang, alam mo na ito. hindi mo naman siguro babasahin ito kung hindi mo pa napanood ang palabas ng idol ko, hindi ba?

lumaki akong kasama si goku. gabi-gabi ko siyang kasama sa kanyang paglalakbay kahit may makapal sa salaming pumapagitan sa aming dalawa. hindi ko man siya matulungan tuwing sugatan siya't humihingi ng tulong dahil sa mga nanggugulong sina vegita, cel at iba pa, alam ko namang kayang kaya niya yo'n. bilib ako sa kanya. sa makatuwid, diyos ko siya noon. hangang-hanga ako sa kanya, kung paano siya lumaban, pati na rin sa kanyang pamamaraan kung paano makihalubilo sa mga ordinaryong tao. ngunit isang araw, nagbago ang lahat--pati ang bayani ko.

"bata, alam mo ba yung dragon ball?" tanong ko sa isang batang napaupo sa may gilid ng bangketa.

"...oho.."

sumagot ang batang tinanong ko. tumitig siya na tila nagtataka sa aking katanungan. bakit nga ba? siguro'y gusto ko lang ng kausap.. siguro'y nais ko ng kausap na makakaintindi sa akin, isang taong handang makinig sa aking mga sasabihin--kahit pa wala itong kabuluhan.

hindi ko na itinuloy ang usapan namin. masama ang tono ng boses ng batang iyon--"meron" ata.

pumikit na lamang ako at itinaas ang ulo habang nakatayo sa kalagitnaan ng bangketa na tila nakatitig sa malawak na langit. nararamdaman ko ang bawat nilalang na dumadaan sa aking tabi at mga usiserong tumititig sa akin kasabay ang malalakas na bulong. nararamdaman ko ang mabagal na ihip ng hangin at maliliit na duming sumasampal sa aking pisngi. tila lahat ng nangyayari sa aking kapaligiran ay nararamdaman ko sa mga sandaling ito.

mabagal at paulit-ulit kong binanggit ang tagapagligtas ko. nanalangin ako at ibinulong ang saloobin ko.

"Diyos ko, tulungan niyo po ako. alam kong higit pa sa lakas nigoku ang taglay niyo, higit pa sa katapangan ni vegita, higit pa sa lahat. ikaw, Diyos ko, ang tagapagligtas ko. Ikaw ang tunay kong tagapagligtas.."

"..Diyos ko, nalulungkot lang po ako..."

..alam ko na ang buong buhay ni goku, sa Kanya naman.