2.26.2006

ang sumira sa gabi ni maria

ilang oras na lang at gaganapin na ang isa sa pinaka-aabangang okasyon ng aking mga kaklase. siguradong ang lahat ay nakabihis at nananabik na, mag-aayos at rarampa, magpapasikat at hahayaang mapuri ng isa't isa.

junior lamang ako at baguhan sa ganitong klaseng kalokohan. wala akong alam sa mangyayari mamaya kaya't siguro'y magmamasid na lang muna.

nag-umpisa na nga ang js prom at giliw na giliw ang lahat. ito nga ang araw ng mga juniors at seniors, ang mga "aalis na" at ang "papalit." iba't iba ang ginagawa ng bawat isa, kanya kanyang grupo. may mga walang sawa sa pagsasayaw, may mga tamad na kumakain na lamang, may nakaupo at nagkwekwentuhan tungkol sa susunod na pupuntahan at may "lovebirds" na naglalambingan sa may gilid-gilid ngunit masasabing lahat ay masaya. lahat ay nagsasaya sa kani-kanilang pamamaraan.

alas-onse na ngunit nagsasayawan pa rin ang mga ibang estudyante't guro. ang lahat ay sumasabay sa tugtog ng bandang nasa entablado. ang iba'y nagyayaya nang lumabas, ang iba nama'y nag-iisip pa lamang, may roon namang pagod na't gusto nang umuwi at may roon ding...

"naku! tumatawag si daddy!"
"ano! 11 pa lang a, hindi ka na ba sasama sa'min?"
"ewan ko, teka lang a.."

sinagot ni maria ang tawag..

"hello...?"
"anong oras ka ba matatapos? kanina ka pa namin hinihintay a!"
"hindi pa po tapos e.. san ho kayo?"
"dito sa lobby ng hotel.."
"o..punta na lang ako dyan."

nagmamadaling iniwan ni maria ang nagsasayawang madla. dali-dali siyang pumunta sa lobby kung saan sinabing naron ang ama.

"daddy.."
"anong oras ka ba matatapos?"
"uwi na ba?"
"ikaw!?"
"ewan. aalis pa kasi sila e.."
"..sasama ka!?"
malamang hindi na, nandito ka na e. sinama mo pa ang batalyon mo.
"hindi."

oo nga pala, 12 silang magkakapatid. isa siya sa panganay ng bahay at maging sa klase. bumalik na siya at dinala ang kanyang pilit na ngiti sa ballroom. walang nakapansin sa kanyang sitwasyon dahil sa magulong kaganapan. lumapit ang kaklase at..

"maria! ano! sama ka mamaya?"
"ewan ko pa e.."
"dali na! sumama ka na! minsan lang e.. san ka ba pagtapos?"
bahay!?! bahay..
"di ko pa alam e..tingnan ko"
"a..sige. basta sumama ka a"
"anong oras ba kayo uuwi?"
"ha!? umaga na no!"
wala na! bahay na nga talaga ang tuloy ko..
"a..sige sige, tingnan ko."

limang minuto ang nagdaan..

tatlumpung minuto ang nagdaan..

isang oras..

nag-alisan na ang iba at ang iba'y sumasayaw pa rin. nakaupo lamang si maria sa may gilid at walang kausap. nakaupo siya ng diretso, tulala at nakasara ang mga palad. mahahalatang kabado, nag-iisip ng malalim at may galit ang dalaga.

hindi lahat ay nagsasaya. hindi lahat ay nananabik.

biglang nagising si maria sa pagkatulala. agad siyang tumayo at bumaba.

"o! san ka pupunta? uwi ka na?" tanong ng isang kaklaseng nakasalubong niya
"ewan..siguro.."
"a..sige, ingat!"

tumatawag ang kanyang ama....

"anong oras ka ba matatapos?! inaantok na mga kapatid mo o..."
"...uwi na tayo...."
tutal sinira mo na rin, hindi ko na nga tatapusin. kasi e.. para matapos na.

tumayo ang mga kapatid at sabay-sabay na lumabas ng hotel. huminga ng malalim si maria at wala nang nasabi. napabulong na lamang..

"nyeta.."