2.28.2006

goku, ang tagapagligtas!

lahat na yata ng kabataan ngayon ay nakapanood na ng dragon ball, lalu na yung mga batang lalake. sa totoo lang, isa ako sa mga mapapalad na yo'n. paborito ko rin noon ang dragon ball at ilang beses ko na rin itong napanood ng paulit-ulit. naaalala ko pa noon, nagmamaktol pa ako tuwing hindi ko inaabutan ang mga episodes nito. naglaro na rin ako ng mga text at mga kard na pinapalipad at meron pa ngang mga action figure na kasing mahal ng ginto, tama ba? minsan pa nga'y ginagaya pa namin sila, nagpapanggap na may abilidad na lumipad, magpasabog ng mga bundok at bulkan at tumalon ng napakalayo't napakataas. nakakatuwa!

sampung taong gulang pa lamang ako nang makilala ko ang nag-iisang tagapagligtas ng mundo ko--si goku. hindi siya ordinaryo, katunayan, galing siyang planetang sayan.

hindi ko na ikekwento ang buhay ni goku dahil malamang, alam mo na ito. hindi mo naman siguro babasahin ito kung hindi mo pa napanood ang palabas ng idol ko, hindi ba?

lumaki akong kasama si goku. gabi-gabi ko siyang kasama sa kanyang paglalakbay kahit may makapal sa salaming pumapagitan sa aming dalawa. hindi ko man siya matulungan tuwing sugatan siya't humihingi ng tulong dahil sa mga nanggugulong sina vegita, cel at iba pa, alam ko namang kayang kaya niya yo'n. bilib ako sa kanya. sa makatuwid, diyos ko siya noon. hangang-hanga ako sa kanya, kung paano siya lumaban, pati na rin sa kanyang pamamaraan kung paano makihalubilo sa mga ordinaryong tao. ngunit isang araw, nagbago ang lahat--pati ang bayani ko.

"bata, alam mo ba yung dragon ball?" tanong ko sa isang batang napaupo sa may gilid ng bangketa.

"...oho.."

sumagot ang batang tinanong ko. tumitig siya na tila nagtataka sa aking katanungan. bakit nga ba? siguro'y gusto ko lang ng kausap.. siguro'y nais ko ng kausap na makakaintindi sa akin, isang taong handang makinig sa aking mga sasabihin--kahit pa wala itong kabuluhan.

hindi ko na itinuloy ang usapan namin. masama ang tono ng boses ng batang iyon--"meron" ata.

pumikit na lamang ako at itinaas ang ulo habang nakatayo sa kalagitnaan ng bangketa na tila nakatitig sa malawak na langit. nararamdaman ko ang bawat nilalang na dumadaan sa aking tabi at mga usiserong tumititig sa akin kasabay ang malalakas na bulong. nararamdaman ko ang mabagal na ihip ng hangin at maliliit na duming sumasampal sa aking pisngi. tila lahat ng nangyayari sa aking kapaligiran ay nararamdaman ko sa mga sandaling ito.

mabagal at paulit-ulit kong binanggit ang tagapagligtas ko. nanalangin ako at ibinulong ang saloobin ko.

"Diyos ko, tulungan niyo po ako. alam kong higit pa sa lakas nigoku ang taglay niyo, higit pa sa katapangan ni vegita, higit pa sa lahat. ikaw, Diyos ko, ang tagapagligtas ko. Ikaw ang tunay kong tagapagligtas.."

"..Diyos ko, nalulungkot lang po ako..."

..alam ko na ang buong buhay ni goku, sa Kanya naman.

2.26.2006

ang sumira sa gabi ni maria

ilang oras na lang at gaganapin na ang isa sa pinaka-aabangang okasyon ng aking mga kaklase. siguradong ang lahat ay nakabihis at nananabik na, mag-aayos at rarampa, magpapasikat at hahayaang mapuri ng isa't isa.

junior lamang ako at baguhan sa ganitong klaseng kalokohan. wala akong alam sa mangyayari mamaya kaya't siguro'y magmamasid na lang muna.

nag-umpisa na nga ang js prom at giliw na giliw ang lahat. ito nga ang araw ng mga juniors at seniors, ang mga "aalis na" at ang "papalit." iba't iba ang ginagawa ng bawat isa, kanya kanyang grupo. may mga walang sawa sa pagsasayaw, may mga tamad na kumakain na lamang, may nakaupo at nagkwekwentuhan tungkol sa susunod na pupuntahan at may "lovebirds" na naglalambingan sa may gilid-gilid ngunit masasabing lahat ay masaya. lahat ay nagsasaya sa kani-kanilang pamamaraan.

alas-onse na ngunit nagsasayawan pa rin ang mga ibang estudyante't guro. ang lahat ay sumasabay sa tugtog ng bandang nasa entablado. ang iba'y nagyayaya nang lumabas, ang iba nama'y nag-iisip pa lamang, may roon namang pagod na't gusto nang umuwi at may roon ding...

"naku! tumatawag si daddy!"
"ano! 11 pa lang a, hindi ka na ba sasama sa'min?"
"ewan ko, teka lang a.."

sinagot ni maria ang tawag..

"hello...?"
"anong oras ka ba matatapos? kanina ka pa namin hinihintay a!"
"hindi pa po tapos e.. san ho kayo?"
"dito sa lobby ng hotel.."
"o..punta na lang ako dyan."

nagmamadaling iniwan ni maria ang nagsasayawang madla. dali-dali siyang pumunta sa lobby kung saan sinabing naron ang ama.

"daddy.."
"anong oras ka ba matatapos?"
"uwi na ba?"
"ikaw!?"
"ewan. aalis pa kasi sila e.."
"..sasama ka!?"
malamang hindi na, nandito ka na e. sinama mo pa ang batalyon mo.
"hindi."

oo nga pala, 12 silang magkakapatid. isa siya sa panganay ng bahay at maging sa klase. bumalik na siya at dinala ang kanyang pilit na ngiti sa ballroom. walang nakapansin sa kanyang sitwasyon dahil sa magulong kaganapan. lumapit ang kaklase at..

"maria! ano! sama ka mamaya?"
"ewan ko pa e.."
"dali na! sumama ka na! minsan lang e.. san ka ba pagtapos?"
bahay!?! bahay..
"di ko pa alam e..tingnan ko"
"a..sige. basta sumama ka a"
"anong oras ba kayo uuwi?"
"ha!? umaga na no!"
wala na! bahay na nga talaga ang tuloy ko..
"a..sige sige, tingnan ko."

limang minuto ang nagdaan..

tatlumpung minuto ang nagdaan..

isang oras..

nag-alisan na ang iba at ang iba'y sumasayaw pa rin. nakaupo lamang si maria sa may gilid at walang kausap. nakaupo siya ng diretso, tulala at nakasara ang mga palad. mahahalatang kabado, nag-iisip ng malalim at may galit ang dalaga.

hindi lahat ay nagsasaya. hindi lahat ay nananabik.

biglang nagising si maria sa pagkatulala. agad siyang tumayo at bumaba.

"o! san ka pupunta? uwi ka na?" tanong ng isang kaklaseng nakasalubong niya
"ewan..siguro.."
"a..sige, ingat!"

tumatawag ang kanyang ama....

"anong oras ka ba matatapos?! inaantok na mga kapatid mo o..."
"...uwi na tayo...."
tutal sinira mo na rin, hindi ko na nga tatapusin. kasi e.. para matapos na.

tumayo ang mga kapatid at sabay-sabay na lumabas ng hotel. huminga ng malalim si maria at wala nang nasabi. napabulong na lamang..

"nyeta.."

2.20.2006

iilang lahi, iisang adhikain

humiga ako sa damihan
habang napatitig sa kawalan
sa malawak, malagim na katotohanan
hindi namalayan..
nang naaninag ang buwan
binigkas ang katagang..
ako si jaun dela cruz
ang batang walang tirahan
walang kakanyanan.. at hapunan
umahon ako sa kalugmukan
muli isang punit na basahan
hiwalay ang pangarap sa katotohanan
hirap makalinis ng tahanan
ako si juan dela cruz
salat man sa kaalaman
busog naman sa pangarap ng kahihinatnan
salamat kay don jaun
naalala ko tuloy noong nakaraan
don juan, kandidato ng halalan
sakay ng malalakas, maiingay na sigawang..
ako si don juan
ang kandidatong hindi mang-iiwan
mag-aahon sa sambayanan
nagmistula siyang isang kamahalan
puno ng pangarap, pangako sa karamihan
ngunit hindi maalis ang katanungang..
"totoo ba siya sa taung-bayan?"
ako si don juan
ang huhubog sa mga kabataan
naka-uniporme man o retasong basahan
tayo ang mag-aahon sa sariling bayan!
nakarinig ako ng tinig ng makabayan
isang kamahalang tila alam ang kahirapan
siya na kaya, O Dyos ko, Kamahalan
ang magtatawid sa akin sa kadukhaan?
ako si don juan
nanggaling sa maliit, malayong bayan
naglalakad ng tatlong bundok tungong paaralan
makatapos at matupad lamang..
mga pangarap at kahilingan
bulong ito ng pusong sugatan
sa taingang may damdaming duguan
tila magkapatid ang aming kaugnayan
tila nabuo ang tunay kong katauhan
magtitiwala akong muli sa pangakong kakayahan
ako si don juan
nagtagumpay sa gitna ng kapabayaan
magtiwala..
walang kapabayaan sa aking pamahalaan
don juan! don juan!
juan dela cruz ang aking ngalan
nais kong makatung-tong ng paaralan
makatapos, at mahubog ng tuluyan
.
magpapasalamat at pasasalamatan!!
.
.
-CMLI poetry contest 2006