11.28.2005

telepono

nag-aalala ako tuwing ang boses mo'y walang sigla. tila dibdib ko'y naninikip tuwing naririnig ang damdamin mong malamig. nais kang tulungan o samahan man lang ngunit walang magawa kundi umupo at makinig sa teleponong nagdurusa sapagkat sa layo ng distansya'y bihira ang mga pagkakataong ika'y makasama. walang magawa kundi tumunganga, damayan ka at umasang makatulong kahit kaunti. mahal ko, patawad.

binabasag ng telepono ang matagal na pangungulila ko sa iyo. ipinaparating din nito ang tunay na pagsinta ko sa iyo na sana'y nadarama mo. tuwing ang telepono ko ay tumutunog at ngalan mo ang nakikita, kalabog sa aking dibdib at pananabik ang nadarama. hindi mawari ang pakiramdam, tila boses mo'y gintong nagpapayaman sa aking labi at bumubusog sa aking puso. habang kausap ka, minsan ako'y nauubusan ng masasabi, nawawala sa aking sarili at sasabay sa mahamog na hangin. pupuntahan ka, pagmamasdan ka at sasabihing mahal kita. magugulat na lamang ako at sasagot ka rin ng "mahal din kita." nawala sa isip na magkausap pa pala tayo sa telepono.

hindi inaalintana ang layo o ang hirap ng pagsasama. mahirap man ang sitwasyon at puno ng sagabal, dahil sa wagas na pagmamahal, pagtitiwala at sa maliit na tulong ng telepono, nagagawan ng paraan.