9.09.2005

may natutunan ako ngayong araw

may natutunan ako ngayong araw, kani-kanina lamang.

kanina, habang ako'y nasa klase at wala sa sariling kamalayan, may mga salitang nabanggit ang aking guro na umagaw sa aking atensyon. sa lahat daw ng bagay, mga ginawa, ginagawa at gagawin pa lamang ay dapat may nararapat na rason. agad na sumagi sa aking isipan ang anino ni anna, ang babaeng lihim kong sinisinta.

si anna ay simple, lapitin ng mga lalaki dahil sa taglay na kabaitan. masipag, matalino at dahil dito ay laging nauutusan ng halos lahat ng mga guro. palibhasa ay masyadong responsable. katunayan, siya'y tinitingala at kinaiinggitan ng iba dahil sa mga puring natatanggap.

kung ikukumpara sa akin, ako'y parang dumi lamang ng kalabaw na masaya na kung may langaw na dadapo. kung literal na titingnan, imposibleng tumugma.

sinisinta ko si anna hindi dahil siya ay maganda at kung anu pa. sa palagay ko'y mahal ko siya ngunit hindi dahil sa mga rasong nabanggit ko kani-kanina lamang, kundi tuwing kausap ko siya'y pakiramdam ko'y ako ang totoong ako, walang pagpapanggap. ..ang tanging nililihim ko lamang sa kanya, sinisinta ko siya.

dumating sa puntong ninais ko nang malaman niya ang nasa loob ko. walang takot kong ipinaalam sa kanya ang matagal ko nang natatagong damdamin ngunit puno na pala ang puso niya. sa dami ng mga taong nasa puso niya'y wala nang espasyo. wala nang lugar para sa akin.

ngayon, ako'y nahuli ng isang katanungan, dalawang daang magkaiba ang patutunguhan. ako ba'y hihinto na at makakalimot o patuloy pa ring mangangarap at aasang bukas ay iibigin din.

pagod na kong mag-isip. pagod na kong umasa. pagod na rin akong maghanap ng rason. pagod na pagod na ko ngunit mahal ko siya. magparaya ba ang sagot?

ngayong alam na niya ang nasa loob ko, hindi ko na alam ang susunod kong gagawin. ano ba talaga ang rason ng paghihirap na ito?