8.07.2005

si anne sa aking telenovela

sa pagbukas ng mga talukap, sikat ng araw na ang sumalubong sa aking mga mata. kasabay ng pagbati ng umaga, pumasok sa aking isipan ang mga nakatakdang gawin buong araw. agad akong tumayo at pilit binanlawan ang mga dumi't pag-aalalang nakaatang sa aking mga balikat.

lumabas ako ng bahay at hinigop ang maaliwalas at sariwang hangin, bitbit ang susi at maletang negosyante ang dating. tumuloy na ako sa trabaho, huminto sa sakayan upang maghintay ng masasakyang bus. nagmamadali ang madla, tila magugunaw na ang mundo para sa kanila. samantalang ako, nakatayo at nakatanga sa bangketa na tila bang siyang nagdidikya ng oras. dumating na ang biyahe kaya't napilitang gumalaw ang naninigas at nakatangang tuhod.

bumaba ako ng bus nang dumating na sa may opisina. sa aking pagbaba, nanatili ang kalmadong bangkay kong katawan. dahandahan kong tinahak ang mahabang bangketa. mula sa kinalalagyan ko, nasilayan ko na ang guwardiya, nagpapahiwatig lamang na ako'y malapit nang hatulan. pilit kong binagalan ang bawat hakbang nang tamaan ako ng isang natatanging liwanag malapit sa aking tagiliran. si anne pala, ang matagal ko nang pinapangarap na dilag. sabi na nga ba.

ang ganda niya'y sadyang nakasisilaw, masasabing mas maliwanag pa sa sikat ng araw. ang kanyang bilugang mukha't mata, mamula-mulang mga pisngi at nakaaakit na labi, tila isang obra na perpekto sa bawat ukit. ang kanyang mahinhing galaw at malumanay na boses na parang anghel, nakagagaan tingnan at pakinggan. tunay ngang nakabibighani. nakagagalak. nakabubuo ng araw.

naku! nawala sa aking isipang huli na pala ako--huling huli sa trabaho! nagsimula na akong magmadali at nagtatatakbo, pilit hinabol ang oras na nasayang sa guniguni. isang guniguning hindi magsasawang ulit-ulitin, hindi pagsisisihan, masabon man ni boss.

nang makarating ako ng opisina, may giyera nanaman. galit na nagsisisigaw si boss nang makita ako. naghihimutok sa galit! 'di ko ibig masira ang araw na binuo ni anne kaya't tumuloy na ako sa trabaho tulad ng nakaugalian. natapos ako bago mag-alas-singko na para bang sampung taon. labis labis ang pagkabagot at pagkakati ng aking mga paa sa dami ng trabaho't tagal ng oras.

tulad ng dati, tinabi ko lang ang aking mga gamit at ako'y lumayas na, iniwang muli ang opisinang nadaanan ng bagyo.

sa paglabas ko sa gusali, dali-dali kong nilisan ang lugar. nag-iwan ng alaalang hindi na nais maalala pa maliban sa isang bagay--si anne.

papauwi na sana ngunit nagbago ang isip ko. nakita ko siyang muli--si anne uli. nasilayan kong muli ang labis na kagandahan ng kalikasan. hindi ko napansing ako'y napangiti at nang siya'y biglang napalingat, siya'y napangiti rin o baka'y natawa sa reaksyon ng aking mukhang nakangisi sa kung anu man.

pangalan lamang ang alam ko sa kanya bukod sa kanyang tirahan at edad ay wala nang iba. wala akong ideya kung ako'y kilala niya, basta't masaya ako tuwing siya'y aking nakikita. naglalaho ang mga bagay sa paligid at siya lamang ang natitira. natatanggal niya pati ang pagod ko, nakagiginhawa, nakagagaan ng pakiramdam. ang kakaibang kilos at halimuyak ng kanyang buhok na humahalina sa akin tuwing siya'y aking nakikita. nakapanggigigil, nakapangaakit at nakabibighaning totoo. ano ba'ng meron?

sumakay ako ng dyip patungong kung saan. hindi ko na inalam. nais ko lamang ay mapunta sa iba ang aking utak kaya't hinayaan ko na ang tsuper magdesisyon kung saan ako ibababa. tila utak at puso ko'y sasabog na sa dami ng iniisip, bukod sa trabaho sa opisina, may anne pang hindi mawala-wala sa eksena. para siyang bida sa telenovela ng buhay ko.

bumaba ako sa isang lugar na may karagatan. hindi ko alam kung saan at kung paano makababali, basta't gumanda ang pakiramdam ko nang makita ko ang paraisong iyon. inikot ko ang aking ulo at wala akong nakitang tao kundi sarili ko. "nas'an ba ako?" tanong ko sa sarili ko.

tahimik ang lugay at maayos, ang dagat ay nakabibingi. muli, dahan-dahan akong nilamon ng kalungkutan, hinanap ng mga mata ang anino ni anne at ang mga tenga ang boses. ninais ng utak at pusong makapiling siya. kakaibang pakiramdam ang bumalot sa aking katawan, marahil, mahal ko nga siya, hindi ko lang maipaliwanag at maamin sa aking sarili. wala nang pumapasok sa akin kundi siya. paulit-ulit na sinasambit ang kanyang ngalan. ilang sandali pa't tuluyan nang umikot na sa aking isipan ang mga bagay na ito, mata nama'y biglang nakita ang anino niyang wala naman sa nasabing lugar.

panibagong mga liwanag ang dumating, mabilis na dumadaan paitaas. ano ito!! katawan ko'y nanlambot at talukap ko'y unti-unting muling nagsara (ospital, daan papuntang er)

ilang sandali, ako'y nagising. minulat ang mga mata at nasilaw sa kaputian ng paligid. "gising na siya" sigaw ng isa. tugon ko nama'y "nasa'n ba ko?" malumanay nilang kwinento ang mga nangyari. ako pala'y kamuntik nang sumama kay pedro nang pumagitan kay anne at isang nagmamadaling dyip patungong langit.

wala nang magagawa kahit pilit kong iniligtas si anne. wala akong nagawa. siya ang kinuha sa halip na sana'y ako na lamang. sa isang iglap, sa isang kisapmata'y naglaho ang lahat. naglaho ang kanyang kagandahan, ang aking liwanag, ang aking pinagkukuhanan ng lakas. ang kanyang bilugang mukha't mata, mamula-mulang mga pisngi at malabong anino ay tuluyan nang naglaho. hindi man matanggap na ganda niya'y 'di na masisilayan, bagaman masakit at mahirap, wala nang dapat isipin pa. wala nang dapat gawin pa maliban sa limutin at gawing kathang-isip lamang siya, ang pinapangarap kong dilag.

minsan, hindi ko mapigilang mapatigil at matulala sa kawalan. tuwing naaalala, walang maitatak sa aking isipan kundi pagsisisi na sana nagkakilala kami, nagkausap at nagkasama. pinagsisisihang kung bakit kailangan pang dumating ang dyip sa eksena upang tapusin ang telenovelang noon ay giliw na giliw akong panuorin.
.
.
-sakripisyo ng kaibigan ni pedro