6.05.2005

nakaraan

dalawang taon na kaming magkasintahan, maganda, mabait, maasikaso, simple at matalino siya, wala nang mahihiling pa, lahat na yata nasa kanya na. maayos rin ang aming relasyon, malimit ang pag-aaway, nagtutulungan sa lahat ng bagay at nagkakaintindihan sa iba't ibang sektor ng buhay. kilala ako ng kanyang mga magulang at ganoon din sa akin. halos wala nang problema, parang kami'y tinadhana talaga, baka nga'y sa susunod na tao'y ikasal na kami.

mag-iisang taon na ang nakalipas at malapit na ang nabanggit na kasal. inihahanda na ang lahat, mga bisitang dadalo, abay na sasalo, mga kukuha ng mga litrato at ang simbahan. ganito pala ang pakiramdam, ilang buwan pa pero kinakabahan na ko. araw-araw na nagdaraan, binibilang ko, paunti-unti ko na ring inaayos ang mga kagamitan ko, mga bagay na gagamitin at hindi na mapapakinabangan pagkatapos ng kasal. damit, lumang libro't papeles, talaarawan, litrato at marami pang iba. tunay ngang magulo ang pakiramdam.

ayos na sana ang lahat nang nakita ko ang isang tali tumpok na litrato. litrato pala niya lahat iyon--ang mga larawan ng dati kong kasintahan. nasa sekondarya pa lamang kami noong niligawan ko siya, maraming problema, hindi ligal sa mga magulang at bata pa ngunit naging masaya pa rin. bagaman sa murang edad, mahal na mahal ko siya, at alam niya iyon. maganda at mabait din siya, simple at matalino, mahinhin at masipag..kung ikukumpara ay halos magkaparehas lamang ngunit para sa aki'y tunay na iba siya sa kanya.

lahat ay nagbago nang makita ko ang mga litratong iyon. kahit puno ng alikabok at agiw, nabuhay ang mga alaala at memoryang matagal ko nang pilit kinalimutan, mga memoryang mas mabuting itago na lamang sa sarili. tunay ngang makapangyarihan ang mga litrato--nakapagpapatigil ng oras. ngunit hindi ko akalaing pati ang nararamdaman ko'y titigil at nagbalik pa, nagulo ang aking utak at tumakbo ang aking mga plano nakahanda na sana. ngay'y gulong gulo at 'di na makapili kung ano ang dapat..kaya't

..naputol nanaman ang aking panaginip..at sa paggising ko sa bangungot, hindi na nawala sa gunamgunam ang tanong. totoong mahal ko siya ngunit papaano kung dumating na ang hinaharap at ang isip mo'y nakatuon pa rin sa nakaraan? papaano kung kailangan mo nang mamili, nakaraan ba o ang kasalukuyan o patuloy na maghihintay sa hinaharap.

nakalipas ang ilang mga taon ngunit nanatili ang katanungang ito. nagpatuloy ang buhay ko nang walang kasama't katabi. tumanda at namatay nang 'di nawari ang kasagutan sa tanong kahit ilang "kasalukuyan" na ang dumaan, marahil ang sagot ay..
.
.
-dejavu