kauuwi
lang ni efren galing cebu. tatlong araw din siyang nawala kaya naman namili
siya ng ilang pasalubong para sa bahay.
nasa
harap ng tv ang tatay ni efren, tahimik na nanonood. kuba na ang kanyang ama,
nakaupo sa wheelchair at nakatitig sa tv, araw-araw. minsan napapaisip siya,
gusto ba talagang manood ng kanyang tatay dahil minsan ay nakakatulog na lang
sa kinauupuan habang nagsasayawan ang mga tao sa showtime. para bang hindi
naman talaga niya gustong manood. hindi naman siya kasi ganoon noon. lagi
siyang wala sa bahay, gabi kung umalis at umaga kung umuwi. kumbaga, walang
oras sa tv. kung manonood man siya, action movie nila jackie chan at bruce lee.
kaya normal lang ang makatulog sa harap ng telebisyon. nakakasawa rin namang
tumingin lang sa mga babaeng nakasuot ng maiikling short at skirt at
nagsasayawan.
ininit ni efren ang uwing lechon galing cebu.
prinito nang bahagya at hiniwa nang pira-piraso. tumingin sa relo si efren,
alas otso ng gabi. sakto, matikman man lang ng kanyang tatay ang lechong uwi
bago makatulog. naalala ni efren na paborito pala ng ama ang lechon. dati-rati,
noong nakalalakad pa at hindi pa na-i-istroke at naka-iinom pa, partner ang
beer ang lechon. tambay nila ng kanyang barkada ang pingping. lagi iyon,
pagkapatak ng alas singko ng hapon, saktong bago maggabi, habang naghahalo ang
liwanag at gabi, isa-isang darating ang mga dating kaklase ng kanyang tatay.
isang malayong pinsan, isang barkada noong high school na naging ka-schoolmate
sa college, isang kaklase sa college, at isang kasamahan niya sa pangangarera
ng sasakyan noong college. karerista kasi ang kanyang tatay noon, lagi niyang
pagmamalaki. iyong mga tipong nagsasara ng mga kalsada’t nakaupo sa hood ng mga
sasakyan. mag-iinom sila, case case ang binibilang. kasabay nito ang pulutang
nilasing na hipon, camaron, mani, at siyempre, kaya sila nasa pingping, mga
lechon at mga waitress na napupuno ng kolorete.
“pa, gusto mo litson?” mula sa dilim, lumabas
si efren. ang liwanag na nanggagaling lamang sa tv ang nagbibigay liwanag sa
kalahati ng mukha ng kanyang ama na nakatitig sa lechon na tusok-tusok ng
tinidor. nakatitig lang ang tatay ni efren kaya inulit niya ang tanong, “gusto
mo?”
tumingin si canor sa kanyang anak na ngayo’y
napakalaki na. bente tres anyos, o bente kuwatro na ba? hindi na maalala ni canor.
halos hindi na rin kasi niya maalala kung gaano na siya katagal na nakaupo sa
wheelchair, kung anong petsa na at kung anong araw na ng buwan. marami-rami na
rin ang nawala sa kanyang memorya. minsan, maaalala niyang mag-yosi, ang
pakiramdam ng sigarilyo sa pagitan ng kanyang mga daliri, tiyaka susundan ng
malamig na beer para maibsan ang nanunuyong lalamunan dulot ng usog na kabubuga
lang. matatabang lechon at malulutong na balat ng pingping, ang makunat-kunat
na balat ng nilasing na hipon, ang maliit na hipon na nasa loob ng camaron, at
ang nagtatabaang mga waitress pero gumaganda dahil sa kasasabing sila ang
pinaka-gwapo sa lahat ng customer nila.
ngumiti si canor sa anak at tumango nang
bahagya. hanggang dito na lang kasi ang kayang tango ng kanyang leeg. humigit
pa rito’y masyado nang nakakapagod at masakit. lumapit ang anak at inilapit ang
tinidor na may tuhog-tuhog na lechon sa bibig ni canor, pero hindi niya ito
ibinuka. tumatawa nang bahagya at tumungo nang malakas, tila may iba pang
sinasabi. “ha? ano iyon?” tanong ng kanyang anak. patuloy sa pagtungo si canor.
bahagyang kumunot ang noo ng anak, pilit iniintindi ang nais iparating ni
canor. tiyaka lumabas ang isang boses mula sa likod ng anak ni mang canor,
“wala na siyang ngipin!”
tapos na pala kumain ang tatay ni efren.
tinanggal na rin ang kanyang pustiso upang malinisan. nanonood na lang ng tv
para antukin. mabuti na lang at dumating ang nanay ni efren, kundi ay
mahaba-habang titigan at tanguan nanaman. kaya isinubo na lang ni efren ang
hawak na lechon, “akin na ‘to, ah. bukas na lang. mag-iiwan ako, marami pa
naman.” pawala na ang ngiti sa mukha ng tatay. mabuti na lang at nasundan ni
efren pagkatapos isubo ang lechon.
tiyaka muling tumango si canor. bukas, may
lechon si mang canor.

